Di ito masyadong madrama, sana. Naisipan ko lang magsulat tungkol sa mga simpleng bagay na di akalaing nakakapagpa-senti...
Senti ... short for sentiments... or sa pang araw-araw na Tagalog, term sa mga feeling mag-emote.
Ang aming tinitirhan ngayon ay namana pa namin sa Ama ng aking Tatay. Di ko na alam kung gaano na ito katagal pero as far as I know, more than 75 years na itong nakatayo dahil almost 76 years old na si Tatay and bago pa sya ipinanganak ng kanyang Ina, nakatayo na ang bahay na ito. Mahigit sa sampung taon na rin ang nakakalilipas nang maipaayos, or ma-renovate, ang bahay na ito. Ngunit kahit sa haba na nang nagdaang mga taon, nami-miss ko pa rin yung lumang hitsura ng aming bahay. Maliwanag pa rin sa aking isipan ang bawat sulok (at alikabok, isama pa ang mga lumang gamit at kalat) nito. Paminsan-minsan ay naiisip ko pa rin ang mga masasaya (at malulungkot) na alaala sa aming lumang bahay. . . ang paglalaro ng taguan, ang panonood ng tv (take note, black and white), ang pagsasarado ng kahoy na bintana kapag malakas ang ulan na nilalagyan ng panangkal na bato sa gilid, ang pagpanhik-panaog sa kahoy na hagdanan, ang pag-igib ng tubig mula sa kusina papuntang banyo (nasa 1st floor ang deep well, nasa 2nd floor naman ang toilet) pero madalas ang mga kapatid kong lalaki ang nag-iigib dahil sadya akong mahina sa mga pisikal na gawain. Nakaka-miss...Naisip ko nga, kaya pala yung ibang tao kahit itaya pa nila ang buhay nila ay hindi aalis sa bahay ng kanilang nakalakhan. Yan ang nagagawa ng sentimental value.
Elementary at college. Para sa akin ito ang pinaka masayang panahon ng pag-aaral sa school. Contrary to popular belief, least like ko ang high school. (Kung meron man sa mga kaklase ko sa high school na makabasa nito, no offense meant classmates.) Sa elementarya kasi ay puro laro lang ang naaalala ko. Pagdating ng uwian ay naglalakad kami sabay-sabay ng aking mga kaklase at kaibigan. Kahit nga recess lang or lunch break, nakakapaglaro pa rin kami. Pag maramihan ang kalaro, moro-moro ang drama. Pag puro girls naman, sa loob lang ng room. Bahay-bahayan o kaya'y paper doll making o kaya'y pagalingan sa pag-drawing. Naalala ko pa nun, ang award sa pinakamagaling mag-drawing ay isang piraso ng maliit, pero cute, na stationery na hindi ko alam kung nasulatan ko man lang ba yun o tinapon nang Nanay ko sa katagalan sa taguan. Naglalaro din kami ng pikyaw or sha-tong. Isa sa mga paborito ko ay ang football. Pero syempre, pinaka-ayaw ko yung nasasalo ng taya ang bola once na sinipa ko ito... Sa college naman, napaka-independent ng buhay. Walang adviser, walang set of officers sa classroom. Bahala ka gumawa ng schedule mo basta dapat makuha mo ang lahat ng subjects for that semester. Kahit di ka mag-notes basta may classmate kang masipag magsulat (at dapat kaibiganin mo sya), ok na kasi pwede mo ipa-xerox ang notebook nya. Nakaka-miss ang pagtambay sa stairs ng North building o kaya sa oval seat sa tabi ng xerox machine sa first floor. Nakaka-miss ang paggawa ng reports using engineering lettering- the more pages the better, irregardless of the contents. Sakit lang sa kamay at magastos sa ink. Pero syempre ang pinaka nakaka-miss ay yung mga naging kaibigan, guro, at crushes. Mapalad ako sapagka't sa college madami akong naging tunay na kaibigan na kahit pa mahigit isang dekada na ang nakalilipas ay nagkikita-kita pa rin kami. At syempre sa bawat get-together, hindi maaaring di mapag-usapan ang tungkol sa school.
Isa pang nakaka-miss ay ang ka-simplehan ng buhay nung ako'y batang paslit pa. Wala pang cellphone nun, walang internet, walang PSP, walang MP3, walang masyadong sasakyan sa barrio namin, walang mga high-tech na laruan. Pero masaya kami, lalo na sa umaga at sa hapon kasi maglalaro kami ng aking mga kapatid at kaibigan. Bago pa nauso ang paintball, nakikipaglaro na ako ng barilan kahit ang baril ay pinutol lang na sanga ng ipil o kaya'y sanga ng bayabas basta korteng baril. Masaya rin magtaguan, at masarap umakyat ng puno at doon magtago. Taguang pong, taguang tsinelas, langit lupa, bahay-bahayan, lutu-lutuan, tinda-tindahanan, patintero, yagit na drama, manika-manikaan, at habulan. Yan ay ilan lamang sa mga nilaro at inenjoy ko noon. Masaya ring sumama sa Nanay sa araw ng palengke kasi madaming pwede ipabili at tulad ng karamihan ay madalas din akong umiyak sa gitna ng maraming tao dahil ayaw ako ibili ng Nanay ko ng isang bagay na nagustuhan ko dahil mahal ang presyo. At higit sa lahat, tahimik at payapa ang buhay noon. Sa konting pagkain at sapat na pera, basta buo ang pamilya, masaya. Minsan nga kahit kapos, basta mabait ang kapitbahay, tuloy ang buhay.
Simpleng bagay, simpleng alaala. Pero nakaka-miss talaga . . .
No comments:
Post a Comment